Filtered By: Topstories
News

52 Chinese at Taiwanese na miyembro raw ng malaking sindikato, nadakip sa Pampanga


Nadakip ng mga awtoridad sa isang hotel sa Pampanga nitong Huwebes ng gabi ang 52 Chinese at Taiwanese na miyembro umano ng isang malaking international syndicate na nambibiktima sa kanilang mga kababayan pero dito sa Pilipinas isinasagawa ang operasyon.

Sa ulat ni GMA News reporter John Consulta sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nadakip ang mga dayuhan matapos salakayin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI-Interpol) ang isang hotel sa Pampanga.

Nakumpiska sa mga dayuhan ang mahigit 100 telephone units, mga laptop, mga two-way radio, at mga wire para internet connections.



Modus umano ng grupo ang maghanap ng kanilang kababayan sa China at Taiwan na mayroong mga sikreto sa buhay tulad ng pagkakaroon ng kabit. Kasunod nito ay tatawagan umano ng grupo mula sa Pilipinas ang kanilang bibiktimahin at hihingan ng malaking halaga kapalit ng hindi pagsisiwalat sa kanilang sikreto.

Idinagdag naman ni Atty. Sixto Espenesin, NBI, na nagpapanggap ang mga suspek na pulis sa kanilang bansa para makahanap ng bibiktimahin.

Ang Taiwan Economic Cultural office o TECO ang nagsilbing complainant sa operasyon ng grupo.

Isang white board din na may mga impormasyon nakasulat ang nakita sa kuwarto ng mga suspek na pinaniniwalang detalye sa naging operasyon ng grupo.

Nasa edad 20 hanggang 35 ang mga nadakip na dayuhan na kinabibilangan ng mga babae at lalaki. Karamihan sa kanila, may magkakaparehong disenyo ng tattoo sa katawan.

Itinanggi naman ng mga dayuhan ang paratang laban sa kanila na iginiit na turista lamang sila sa bansa. -- FRJimenez, GMA News

Tags: syndicate