Filtered By: Topstories
News

Call center sa Global City, ginagamit umano bilang cybersex hub


Sinalakay ng mga tauhan ng cyber crime unit ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang call center office sa Global City, Taguig dahil nagsisilbi umano itong cybersex hub.
 
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing sinalakay ng mga tauhan ng NBI sa bisa ng isang search warrant ang naturang call center na nasa ika-11 palapag ng isang gusali.

 
Tumambad umano sa mga operatiba ng NBI ang mga malalaswang larawan at video na nasa computer monitor ng mga call center agent.
 
Ayon kay Atty. Ronald Aguto, hepe ng NBI- Cyber Crime Division, nakakuha sila ng impormasyon na ang naturang call center ay sentro ng operasyon ng isang "for members only" na porno site na nakabase sa Amerika.
 
Kinumpiska ng mga operatiba ang mga hard drive ng call center para sa isasagawang imbestigasyon.
 
Sinabi sa ulat na bukod sa voyeurism, sasampahan ng kasong credit card fraud ang nasa likod ng operasyon dahil iligal daw na ginagamit ang credit card ng kanilang mga kliyente.
 
Tumanggi naman na magbigay ng pahayag ang abogado at opisyal ng call center. -- FRJimenez, GMA News

Tags: cybercrime