Filtered By: Topstories
News

Dalagitang nasugatan sa pagresponde ng pulis sa hostage incident sa Cebu, ligtas na


Nasa maayos nang kalagayan ang 13-anyos na dalagita na nabaril ng isang pulis na rumesponde sa ginawang paghostage sa kaniya ng isang lalaki na naganap sa pier ng Cebu City noong Martes.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Sabado, sinabing nasa kostudiya ng pulisya ang pulis na nakabaril sa biktima, at nakapatay din sa suspek.

Hinihintay pa umano kung magsasampa ng reklamo sa pulis ang pamilya ng dalagita.



Lumitaw na lasing umano ang suspek at armado ng patalim nang i-hostage nito ang dalagita na nasa barko. Nagkataon naman na sakay din ng barko ang rumespondeng pulis.

Binaril ng pulis ang suspek na tinamaan sa ulo pero nahagip din sa baba ang hostage na babae.

Kinumpirma naman ng opisyal ng barko na empleyado nila ang suspek pero hindi raw ito naka-duty nang mangyari ang insidente. -- FRJ, GMA News