Filtered By: Topstories
News

Ilang pulis na naapektuhan ng bagyo, walang tirahan at atrasado ang sahod


Matapos malampasan ang bangis ng bagyong "Yolanda," ang pagpapatayo naman ng kani-kanilang nawasak na bahay ang kinakaharap na pagsubok ng ilang pulis sa Cebu at Samar.
 
Sa ulat ng dzBB radio nitong Huwebes, sinabing nasa 60 pulis sa hilagang Cebu ang nawasak ang mga tahanan dahil sa bagyo.
 
Ayon kay Central Visayas police head Chief Superintendent Danilo Constantino, karamihan sa mga apektadong pulis ay mula sa Bantayan Island sa Cebu na matinding sinalanta ng bagyo noong Nobyembre 8.
 
Dagdag ni Constantino, nakikipag-ugnayan na siya sa mga pinuno sa Philippine National Police (PNP)  headquarters sa Camp Crame sa Quezon City upang matulungan ang mga kasamahan na nasalanta ng bagyo.
 
Sa probinsiya naman ng Eastern Samar sa silangang Visayas, sinabi sa ulat ng dzBB na tuloy lang sa pagpasok ang mga pulis kahit na hindi pa rin nila nakukuha ang kanilang mga sahod.
 
Ayon sa Eastern Samar provincial police office, karaniwang nakukuha ng mga pulis ang kanilang suweldo sa pamamagitan ng ATM (automated teller machines).  Pero karamihan sa mga ito ay hindi pa umano gumagana.
 
Hindi rin umano makapag-withdraw ang mga pulis "over the counter" dahil hindi pa rin nagbubukas ang karamihan sa mga bangko sa lugar.
 
Upang malunasan ang problema, ipadadala muna ang sahod ng mga pulis sa kanilang Regional Police Office, na siya namang magpapadala sa mga lokal na himpilan ng pulisya sa mga lugar na matinding nasalanta ng bagyo.
 
Hindi naman umano lubhang nag-aalala ang mga apektadong pulis sa pagkakaantala ng kanilang sahod. -- JGV/FRJ, GMA News