Filtered By: Topstories
News

Mahigit 3 milyong katao, apektado ng lindol sa Bohol – NDRRMC


Umabot na sa tatlong milyon nitong Huwebes ang bilang nga mga taong apektado sa magnitude-7.2 na lindol na tumama sa Central Visayas, kabilang na ang Bohol, noong Oktubre 15, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
 
Sa 6 a.m. nitong update, sinabi ng NDRRMC na umabot na sa 631,605 pamilya o 3,158,009 katao sa 1,494 barangay sa 59 mga bayan at anim na mga lungsod sa anim na mga probinsya ang mga apektado sa lindol.
 
Sa mga ito, 14,740 pamilya o 78,897 katao ang nananatili sa mga 125 evacuation center.
 
Samantala, 2,654 aftershocks naman ang natala mula nang maganap ang lindol noong Oktubre 15, dagdag ng NDRRMC. Sa mga ito, 68 ang naramdaman.
 
Nananatili namang 198 ang bilang ng mga napatay, 185 ay mula sa Bohol. Tumaas naman sa 668 ang bilang ng mga sugatan, kung saan 574 sa mga ito ay mula sa Bohol.
 
Bumisita na si Pangulong Benigno Aquino III sa Bohol nitong Miyerkules upang personal na tignan ang pag-usad sa relief at rehabilitation operations.
 
Inatasan niya ang mga lokal na pamahalaan at non-government organizations na bigyang pokus ang maagap na pagpapauwi ng mga residente sa kanilang mga tirahan.
 
Pinsala
 
Samantala, nagkakahalaga ng P1,426,542,000 ang pinsala sa mga ari-arian, kabilang na ang P1.227 bilyon sa Bohol at P197.401 milyon sa Cebu.
 
Tinatayang 12,655 kabahayan ang nawasak, habang 41,991 ang napinsala. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News