Filtered By: Topstories
News
'SANA MAANTIG ANG PUSO MO'

Ina ng lalaking nanlaban umano at napatay ng mga pulis, may mensahe kay Duterte


"Hindi makatwiran ang ginagawa ng mga tao mo." Ito ang bahagi ng mensahe para kay Pangulong Rodrigo Duterte ng isang ginang na nagdadalamhati matapos mapatay ng mga pulis ang kaniyang anak matapos umanong manlaban sa isinagawang buy-bust operation sa Maynila.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing napatay ng mga pulis sa Sta. Cruz, Maynila nitong Miyerkules ng hatinggabi, ang target ng buy-bust operation na si Mark Angelo Concepcion, alyas Marky.

Nanlaban umano sa mga pulis si Concepcion kaya pinaputukan ng mga awtoridad at napatay.

Bukod sa baril, may nakuha rin umanong hinihinalang shabu kay Concepcion, na nasa drug watchlist din daw ng mga awtoridad.

Giit naman ng ina ni Concepcion, gumagamit lang ng droga ang kaniyang anak pero hindi ito pusher.

Hindi rin naniniwala ang ginang na nanlaban sa mga pulis ang kaniyang anak.

"Takot sa pulis ang anak ko, takot sa away ang anak ko," pahayag niya..

May mensahe rin siyang nais iparating kay Pangulong Duterte.

"Mahal na pangulo, tao lang kami, mahirap pero hindi makatwiran ang ginagawa ng mga tao mo. May mas matataas pero pinangangalagaan ng iba diyan na nakatataas, hindi nahuhuli, 'di napapatay. Pero kung sino yung maliit, 'yon ang pinapatay nila," anang ginang.

Patuloy pa niya, "Sana maantig ang puso mo kung totoong tao ka, kung totoong ama ka ng sambayanan."

-- FRJ, GMA News