Filtered By: Topstories
News

Mga pasyente sa Bohol, balak operahan sa labas ng ospital dahil sa aftershocks


Binabalak na ng mga surgeon sa Bohol na sa labas na lamang ng ospital isasagawa ang kinakailangang mga operasyon sa mga pasyenteng biktima ng magnitude-7.2 quake na tumama noong Martes sa Central Visayas.

Umabot na sa 171 nitong Biyernes ng umaga ang bilang nga mga naiulat na nasawi sa lindol, at upang maisalba pa ang mga buhay ng ilang mga nakaligtas, binabalak ng mga doktor na isasagawa na lamang ang mga operasyon doon sa carpark ng hospital sa Tagbilaran City.
 
Hindi pa madadaanan ang ilang mga pangunahing kalsada na nag-ugnay sa ilang mga bayan ng probinsya, lalo doon sa mga lubhang napinsala ng lindol na nagpabagsak ng mga gusali at sanhi ng mga pagguho ng lupa na tumabon sa ilang mga kabahayan at mga highway, ayon kay  regional civil defense chief Minda Morante.

"I hope the people will understand. While we want to bring aid to them, our main adversary is accessibility," pahayag ni Morante sa ulat ng Agence France-Presse (AFP).

"We acknowledge that there are still gaps in the emergency response. We cannot address the many needs all at the same time," dagdag pa ni Morante.
 
Samantala, sa daungan ng Tagbilaran, ang provincial capital, patuloy ang pagdating ng mga nasugatang mga biktima mula sa iba't ibang mga lugar ng probinsya. May hiwalay din umano na barko na nagkakarga ng rasyon para sa mga biktima doon sa mga liblib na lugar, ayon sa isang photographer ng AFP na nasa Bohol.

Samantala, ilang mga pasyente umano ang naghihintay doon sa parking lot ng provicial hospital para a maoperahan.  Ang kanilang mga hospital bed ay nasa ilalim ng mga tolda dahil puno na ang ospital ng mga iba pang nasugatan.
 
"Rescuers took two hours to get me. I lay pinned down next to two young customers who were crushed to death," ayon kay John Espanola, 19, isang college student na na-rescue mula sa gumuho na Internet shop sa bayan ng Sagbayan.

"I prayed hard. I knew there was a possibility that I would not get out of it alive," dagdag pa ni Espanola, ang mag-isang nakaligtas sa anim na nandoon sa internet shop.
 
Ayon naman kay Morante, gumamit na ang lokal na pamahalaan ng helicopters para i-evacuate ang ilang mga sugatan at upang magdala ng mga suplay at pagkain sa mga isolated na mga bayan.
 
Libu-libong mga survivor ang pansamatalang nanunuluyan sa mga pampublikong mga gusali na hindi naibagsak ng lindol, samantalang yung iba ay nagtayo ng mga tolda sa gilid ng kanilang mga tahanan at ayaw pumasok doon dahil sa takot sa sunud-sunod na mga pagyanig.
 
Samantala, nakatuon ngayon ang search and rescue operation sa may 21 kataong nawawala sa bayan ng Loon at karatig-bayan na Antequera, na malapit sa pinakasentro ng lindol, ayon kay Bohol police chief Senior Superintendent Dennis Agustin sa panayam ng AFP.
 
Sa Cantam-is, isang liblib na barangay na may layong 10 kilometro mula sa Loon, naghintay ng tulong noong Huwebes si Salvador Bonito sa tabi ng gabundok na tambak ng putik, mga bato, at mga tipak ng sementong mula sa dating tahanan ng tatlo sa kanyang mga kaibigan.
 
"Rescuers from our church tried to reach the buried house, but we had to give up because the ground kept shifting due to aftershocks," ayon kay Bonito.
 
Umabot na sa 171 ang naitalang namatay sa lindol, ayon sa update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Biyernes ng umaga.
 
Sa 171, umabot sa 159 ang sa Bohol, 11 ang sa Cebu at isa sa Siquijor, ayon sa NDRRMC.

Naapektuhan ng lindol ang 676,065 mga pamilya, o 3,426,718 katao sa 1,285 mga barangay sa 45 na mga bayan at pitong syudad sa tatlong probinsya sa Central Visayas o Region 7.
 
Samantala, aabot naman sa 35 na mga tulay ang nasira, 22 sa mga ito ay hindi pa madadaanan. — LBG, GMA News