“Nakangiti Ako” ni Jubelea Cheska Copias

Ulan kuha mula sa loob ng bus patungong Banaue (iPhone kuha ni Pangga Gen).
Lunes. Nagising si Andong sa pamukaw na sigaw ng kanyang ina. Inaantok pa man ay pinilit na nito ang katawan na bumangon at baka hindi lang sigaw ang abutin niya kapag nagtagal pa siya. Padabog siyang naglakad patungong banyo habang kinakamot ang ulo dahilan para mas magulo ang buhok niya.

“Nay naman kasi, kaaga-aga ratatat ng ratatat ‘yang bibig mo. Araw-araw na lang ba?”, naiinis niyang sabi.

“Aba, kung maaga ka sanang bumabangon at tulungan ako dito sa bahay bago ka pumasok sa eskuwela eh wala kang maririnig sa akin,” bulyaw sa kanya ng ina.

Hindi na siya sumagot. Alam naman niyang mali kahit ano pa ang sabihin niya. Hindi na ito bago sa kanyang pandinig dahil sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay litanya na ng ina ang nakagisnan niya. Nagmadali siyang maligo at magbihis at dumiretso na sa kusina. Tiningnan ang pagkain sa lamesa: pritong itlog, sinangag, at paksiw ngunit wala siyang gana. Ito ang paborito niyang agahan pero ngayon tila may pumipigil sa kanyang sarili na umupo at galawin ang niluto ng ina.

“Papasok na ho ako,” marahan niyang sabi.

“Hindi ka mag-aalmusal?”tanong ng ina niya na may konting pagkayamot dahil sa pagod. Makikita na ang maiikling guhit sa noo nito.

“Mahuhuli na ho ko eh.”

Hindi na niya hinintay ang susunod na sasabihin nito. Agad siyang bumalik ng kuwarto at kinuha ang bag. Saglit siyang lumingon sa salamin at ngumiti. Papasok na naman siya at ang ngiting iyon ang babaunin niya upang matago ang kanyang pinagdadaanan.

“Ano ba naman Andong, magtino ka nga! Puro ka daldal, eh wala namang laman ang kukote mo!” Galit na sabi ng katabi niya.

Lumang tugtugin na rin kay Andong ang mga linyang y’an. Halos lahat naman kasi ng kamag-aral at guro ay rinding-rindi na sa malaki at bilugan niyang boses.

“Uy Tinay, tulungan mo naman ako sa proyekto natin, ang hirap eh hindi ako marunong,” pagmamakaawa nya sa kaklase.

Hindi natinag ang babae, inirapan lang siya nito at walang lingon-likod na naglakad palayo. Napabuntong-hininga na lang siya at sinapo ang noo.

“Na’san ang takdang-aralin mo?” Galit na tanong ng guro niya.

“Wala, Maam,” sagot niya.

“Hindi ba’t sinabi ko na h’wag pumasok kapag walang takdang-aralin?

Tumingin si Andong sa mga kaklase niya, lahat nakatingin. Nabaling ang kanyang mata sa mga kinikilalang barkada, maririnig ang impit na tawanan nila. Namula siya kaya’t hinablot niya ang bag sa upuan at patakbong lumabas ng silid.

Tirik ang sikat ng araw habang naglalakad siya pauwi. Pakiramdam nya’y sobrang bigat ng paa na iangat at gumawa ng hakbang. Pagtapak sa balkonahe ng kanilang tahanan ay maririnig ang sigawan ng kanyang mga magulang. Pinag-aawayan na naman nila ang kulang na sahod ng ama. Napahugot ng malalim na hinga si Andong. Dire-diretso siyang pumasok ng mapansin siya ng ina.

“O, bakit andito ka na? Maaga pa ah.”

“Walang klase,” tipid niyang sagot at nagpatuloy sa kanyang kwarto.

Nagsinungaling siya. Ang totoo ay pinalabas siya ng guro kaya napaaga ang kanyang pag-uwi. Pumasok siya sa kanyang kwarto at pabagsak na nahiga sa papag na gawa sa kawayan. Diretso siyang tumingin sa kisame, pansin pa ang iilang agiw na hindi naabot ng walis kaya hindi nakuha. Naalala niya ang nangyari kanina sa paaralan, kung paano niya tinawanan ang panlalait sa kanya, ang pagmamakaawa niya sa kaklse na tulungan sa proyekto nila, at paanong nanlupaypay ang kanyang balikat nang tinalikuran siya nito. Kung paano siya binulyawan ng guro, ang kanyang pamumula at ang pigil na tawanan ng barkada niya.

Naisip niya kung bakit ganun na lamang ang panghuhusga at pagtrato nila sa kanya. Hindi nga ba talaga nila napapansin o baka malabo lang ang mata nila? Hindi ba’t sila sana ang gagabay sa kanya na abutin ang pangarap? Pakiramdam niya’y siya lang mag-isa, walang nakakarinig sa kanyang hinaing dahil ang nakapalibot sa kanya ay matitinik na mata at nagbibingi-bingihang tainga.

Naramdaman ni Andong ang pamimigat ng talukap ng mga mata. Napalingon siya sa salamin sa may gawing kanan ng papag. Nakita niya ang malungkot na mukha, ang namumulang mata at ang namumuong luha. Naalala niya ang baong ngiti bago siya pumasok kaninang umaga.

Pumikit siya at nakita ang mga taong buong puso niyang pinakisamahan kahit wala siyang halaga sa kanila, ang mga magulang na walang panahong atupagin siya, at ang katotohanang nagdadaldal siya para magmukhang masaya sapagkat kapag natahimik syia ay baka hindi nyia makayanan ang depresyon na unti-unting kumakain sa kanya. Iminulat nyia ang mga mata at maririnig mula sa labas ng kwarto ang patuloy na bangayan ng kanyang ama’t ina.

Napangiti siya at napatawa.

___________________________
Si Jubelea Cheska Copias, tubong Manila, ay Grade 12 sa Senior High School sa University of Antique sa Sibalom, Antique.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.